ALPHABET SERIES /part 4/
" Siguro nga sasalungat ang ulan kapag sinabi kong katulad ito ng mga luhang nakita ko."
Sa tuwing lalabas ako ng bahay, sinasaisip ko palagi ang mga magagandang posibilidad na mangyayari sa isang araw, THINKING OF POSITIVE THINGS ika nga. At ngayon ngang araw na ito, nandito muli ako sa harap ng bahay namin, syempre balik sa dating gawi...
Inhale.
Exhale.
Kalimutan ang kalungkutan.
Isuot ang ngiti.
Sabay salpak ng dumadagundong na musika sa aking tenga. Sakto, tinutugtog sa mp3 player ko ang positive vibration ng paborito kong reggae band na Tropical Depression. Ayos, magiging maganda ang araw ko.
Pagkababa ko ng pedicab, ngiti agad ang ibinayad ko kay Manong Drayber sabay lakad papunta sa sakayan ng dyip. Ang daming pasahero. Rush hour kasi ng umagang 'yon pero nakakita pa rin ako ng dyip na walang sakay sa tabi ng drayber. Dali-dali akong tumakbo para hindi maunahan ng iba pang nagmamadaling pasahero. Katulad ng iba, gusto ko ring umupo sa kanang upuan katabi ang drayber. Hindi dahil sa type ko ang drayber o ayoko lang mag-abot ng bayad ng ibang pasahero, kundi dahil sa pwesto na 'yon, matatanaw ko ng maigi ang binabaybay naming service road. Kasama na dito ang mga taong nag-uunahang sumakay sa nakatigil na bus; ang stop light na halos trenta minutos bago mag green; mga batang nagpapakilalang badjao na sumisilip at kumakatok sa mga mamahaling iwas-dumi-na-bintana ng mga hari at reyna; mga tumatawid na pasaway na tao sa NO JAYWALKING zone at "BAWAL TUMAWID, NAKAMAMATAY" banner; at mga taong grasa na bising bisi sa kausap nilang "INVISIBLE MAN."
Ito lang naman ang dahilan ko. Sa madaling salita, ang makita ko ang kalagayan ng ginagalawan kong lipunan na masaya at kuntento na sa paulit-ulit na pamumuhay.
Bigla akong nalungkot.
Trapik na naman. Hindi ko maiwasang hindi sumimangot. Idagdag pa dito ang kalunos-lunos na kalagayang nakita ko...
Isang matandang babaeng nakaupo sa kumpol ng basura at sari-saring basahan sa ilalaim ng poste. Pinagmasdan ko siya. Minsan bumubuka ang bibig dahil kausap nga niya si Invisible Man at minsan naman, nakatunghay lang siya sa mga dumadaang sasakyan sa harap niya.
Malungkot ang kanyang mga mata.
Nakahahabag.
Hindi lang ang matandang babaeng iyon ang nakita ko. Napansin ko rin ang lalaki na animo'y barangay tanod na naglalakad paroon at parito, habang ang kanyang isang kamay ay nandun sa loob ng kanyang sira sirang pantalon. May mahabang buhok at may lumang panyo na nakatali sa kanyang ulo. Sa unang tingin, aakalain mong si Captain Jack Sparrow ng epic movie na Pirates of the Carribean.
Sa wakas, malapit na rin ako sa aking pupuntahan. At kung babalikan ko ang maikling paglalakbay sa reyalidad, hihilingin ko lang na sana ay scripted na lang ang lahat ng nakita ko at ito ay isa lamang sa libo-libong istorya na inilalarawan ng malikhaing gawa sa telebisyon. At sana ang mga taong pinagkaitan ng kaligayahan ay sila palang mga bidang artista sa malaking produksyon na ito.
Siguro nga sasalungat ang ulan kapag sinabi kong katulad ito ng mga luhang nakita ko. Dahil kapag ang ulan ang pumatak, wala itong pakialam kung may masaktan man ngunit kapag luha ang dumaloy, siguradong masasaktan at makikialam ang puso.
Comments
Post a Comment