Skip to main content

Patak


               
                ‘Nang pumatak ang huling ulan sa aking mga kamay, naisip kong ito pala ang unang pagkakataon na ang luha mo ay akin nang matitikman.’

                Tayo ay nagsimula bilang ordinaryong mag-aaral sa isang kilalang Unibersidad sa Maynila. Naging kamag-aral kita. Hindi kita pinapansin sapagkat laging nakapalibot sa iyo ang mga barkada mong tila “black parade” ang tema ng kasuotan. Ngunit ikaw ang naiiba sa kanila. Napakasimple mong manamit. Okay na sa iyo ang puting v-neck na damit. Ang lagi mo noong sinasabi na kapag suot mo ang damit na iyon ay kamukha mo na si Vin Diesel. Sige na nga kahawig mo na kahit napaka-kapal ng buhok mo. Hindi ka palasagot sa klase, tahimik at parang laging may iniisip. Ang mga mata mo nakatingin sa kawalan at tila naririnig mo lamang ang pagdaan ng tren sa labas. Siguro pagod ka lang sa trabaho mo. Nalaman ko na working student ka noong nagpakilala isa-isa sa harap ng klase. Gaya ng “mood” mo ngayon, ay ganoon din noong nagpakilala ka. Ngunit dati, hindi ka naman natutulala, dati tahimik at misteryoso ka lang. Ngunit bakit ngayon para kang isang lawin na naghahanap ng puno sa gitna ng karagatan?

Alam ko na.
               
Isang tanghali, tayo ay walang ginagawa sa klase, daldalan dito, harutan doon, halakhakan  at sigawan. Ngunit ikaw… nandoon ka lang sa isang sulok nakatitig  na naman sa kawalan habang ang mga barkada mo ay ayun sigawan at asaran ang ginagawa. Narinig ko sila, kinakantiyawan ka sapagkat puting v-neck na naman ang suot mo. Ano nga ba ang mayroon sa t-shirt na ‘yan?

Alam ko na.

                Sa gitna ng masayang kaguluhan sa klase, may pumasok na isang lalaki, naka-black na jacket at tila tindero ng hikaw sa dami ng nakasabit sa kanyang tenga at ilong. Hindi ko maintindihan ang kabataan kung bakit ganoon na lamang ang hilig sa tinatawag na “body piercing”. Siguro para sa kanila isa itong “form of art”. Naipapakita nila ang mga bagay na hindi ordinaryong ginagawa ng karamihan. Pero hindi ito astig. Kumuha ang lalaki ng isang upuan at doon ay komportableng isinalampak ang kanyang katawan habang nakaharap sa amin. Nilibot niya ang kanyang mata at matapos noon ay humiram ng “regi” o Certificate of Registration sa kaklase ko. Tinignan niya ang mga nakasulat sabay iling. Matapos noon, nagbigay siya ng mga iregulidad ‘di umano ng aming Unibersidad. Halimbawa na nga dito ay ang pagbabayad sa id, ang elevator na tanging eksklusibo lamang sa miyembro ng faculty, aircon na hindi gumagana kahit nagbabayad daw kami para dito. Para sa akin, may punto naman ang lalaking de hikaw ngunit bakit nga ba niya sinasabi ito?

Alam ko na.

                Sa mundo ng mga aktibista, mahalaga na may hangarin at patutunguhan ang mga sinasabi nila. Hindi ito isang laro na kapag natalo ay “game over” na kaagad. Mayroon pang “wildcard round”, “second chance” at higit sa lahat “walang “time-out”. Gagawin ang lahat masunod lamang ang pinaglalaban nila. Ito ay ang para sa tama, ang  para sa kinabukasan, ang para sa nararapat.

                Ganito ang hangarin ng lalaking de-hikaw na pumasok sa aming klase. Gusto pala niyang sumanib kami sa grupong kinabibilangan niya. Gusto niyang maliwanagan kami sa tunay na sistema. Sistemang gawa ng iilan na dapat ay matuldukan. Sa puntong ito, nakita kitang tumayo, kinuha ang bag at dali-daling lumabas ng ating silid aralan. Sinundan na lamang kita ng tingin hangga’t sa ikaw ay nawala.

                Pauwi na ako nang makita ko ang lalaking de hikaw, kasama ang iba kong kamag-aral. Ayun at may na-recruit pala siya. Sana lamang ay hindi nila mapabayaan ang kanilang pag-aaral kung sila ay papasok sa grupong iyon. Pinagpatuloy ko ang aking paglalakad nang makita na naman kita, nakatingin ka sa isang “banner” na nakapaskil sa gate ng ating paaralan. Malungkot na may galit ang nakita ko sa iyong mga mata. Tila isinasaad ng iyong isipan na “sana hinawakan ko na lang ang kamay mo at sabay tayong tumakas sa mapait na mundo”.

                Tumitig din ako sa banner at doon ay… lumuha na lamang.

                Kinabukasan, nakita ko na bakante ang upuan mo, nalungkot ako dahil hindi ko makikita ang iyong mukha. Nagtaka din ako sapagkat wala din ang barkada mo. Nabalitaan ko na may protesta palang magaganap mamayang hapon. Siguro maghahanda kayo para doon. OO, alam ko na ikaw ay isang aktibista dahil doon tayo nagkakilala…

Kasama mo ako.

                Natatandaan ko pa noon na lagi tayong nasa paaralan. Doon kasi tayo ay malaya. Tila nga pag-aari na natin ang isang building na kung saan inilaan talaga ng tadhana para sa atin. Doon na nga tayo natutulog matapos ang nakakapagod na araw. Minsan nga ay hindi pa tayo natutulog dahil naaaliw tayo sa kwentuhan kasama ang mga barkada mo. Ngunit madalas tayo ay seryoso. Pinag-uusapan natin ang mga bagay na dapat gawin sa mga susunod na araw. Ganito tayo… masaya sa isa’t isa, pareho ang nasa isip, at iisa ang hangarin. “Doon, tayo ay parang hangin, lumilipad at ninanais na maramdaman”.

            Matagal na nating ikinasal ang ating sarili sa ganitong pamumuhay. Tatlong taon nang tayo ay magsimula. Pumasok ako sa paaralang ito na malinaw sa aking isip na gusto kong makialam. Kasabay nito ang pagpasok mo naman sa aking buhay. “Para akong isang bahag-hari, naging makulay ang aking buhay nang makita ko ang lugar ko sa mundo kasama ka”.

                Ngunit tulad ng mundo, nakita ko ang reyalidad na nagpapatakbo dito…

            Tulad ng lagi nating ginagawa, tayo ay naghahanda ng ating mga kailangan sa protesta. Nandiyan ang mikropono, placards, effigies at syempre ang ating sarili. Ngunit itong araw ay naiiba sa dati. Makulimlim ang panahon at tila nagbabadyang pumatak ang ulan. Habang nag-aayos tayo, napansin ko na suot mo pa rin ang t-shirt na ginamit mo kahapon. Nilapitan kita at tinanong ko kung bakit ‘yan pa rin ang suot mo, ang sabi mo naman sa akin ay wala kang nadalang ekstrang damit. Dali-dali akong lumabas at pumunta sa “cooperative” at doon ay bumili ako ng puting v-neck na ginagamit nila upang mag-print ng t-shirt. Agad akong bumalik sa headquarter at binigay iyon sayo. Nagtaka at nahiya ka pa na kunin iyon ngunit kalaunan ay tinanggap at nagpasalamat ka na lang sa akin. Tawa naman ang tinugon ko sayo nang sabihin mo na kamukha mo si Vin Diesel. Okay, sige na nga. Ngunit kung si Vin Diesel at ikaw ang pagkukumparin ,ay lamang ka pa rin para sa akin!
            Umalis na tayo ng Unibersidad upang magtungo sa ating pupuntahan. Habang tayo ay naglalakad sinabi ko sayo na masaya ako sa ginagawa ko, na ito lang ang tanging paraan upang maramdaman ng nakatataas na nandito ang sektor ng kabataan at buong pusong humihingi ng suporta mula sa kanila. Habang kausap kita, naramdaman natin pareho ang patak ng ulan. Sa pagkakataong iyon, hindi ko maiwasan ang pag ngiti dahil alam kong magiging isang matagumpay na pagkilos ito.

            Dumaan ang ilang minuto at naging maganda ang takbo ng ating programa. Umulan man ng malakas ay tumuloy pa rin tayo. Ngunit isang pangyayari ang hindi natin inasahan. Nagkatagpo ang miyembro ng kapulisan at ng ating grupo dahilan upang magkaroon ng gulo. Nakita kita, tangan ang pagaalala sa iyong mukha, lumilingon ka sa iyong paligid na tila ay may hinahanap. Nang ako ay iyong makita, tumakbo ka palapit sa akin. Ako pala ang hinahanap mo. “Lumukso ang aking puso, nawala ang kaguluhan at tanging mukha mo lamang ang aking nakikita”.

            Bang!

            Pumikit ako habang naka-abang ang aking mga kamay sa mainit mong haplos. Ngunit wala akong naramdaman. Segundo ang dumaan ngunit wala pa din. Nanatili akong nakapikit ngunit paggising ko ay isa nang paraiso ang aking nadatnan. Wala na ang mga pulis, ang mga kasamahan natin at ikaw. Dito ay tahimik, maliwanag at maaliwalas ang paligid. “Ngunit bakit ngayon ay kaguluhan ang gusto kong makapiling kaysa sa kapayapaang ito?”.

            Nakaabang pa rin ang aking mga kamay sa hawak mo, ngunit wala talaga…

                Nang malaman ko na kayo ay naghahanda para sa isa pang protesta, agad akong pumunta kung saan iyon gaganapin. At sa pagkakataong ito, hindi ko na maramdaman ang patak ng ulan sa aking katawan. Ngunit magkagayun man, ikaw lang ang tanging pinunta ko dito. Nakita kita, hawak mo ang mikropono at basang basa ng ulan. Tinig mo lamang ang aking naririnig habang ikinukwento ang lahat ng nangyari. Natuwa ako dahil suot mo pa rin ang puting v-neck na ibinigay ko sayo. Pinakinggan kong mabuti ang lahat ng sinasabi mo at nagsimula kang magkwento noong araw na nagkakilala tayo, hanggang sa naging aktibo tayo sa malayang grupo. Ikinuwento mo rin na kahit ano man ang pagdaanan natin ay hinding hindi ka iiyak dahil “ako ang lakas mo”. Nang ika’y nasa punto na ng aking huling protesta, nadama ko ang bigat ng iyong pakiramdam habang hinihingi mo ang hustisya sa aking pagkamatay. OO, wala na ako. Ngunit nakamasid pa rin ako sayo. Hawak mo ang litrato ng pulis na nakabaril sa akin. Sumisigaw ka at galit na galit. ‘Yun ang dahilan kung bakit lagi kang tulala, kung bakit lagi mong suot ang puting v-neck na ibinigay ko sayo.

Salamat sa pagmamahal.

Umakyat ako sa stage kung nasaan ka. Hinawakan kita sa balikat ngunit hindi kita maramdaman. At doon nakita ko na umiiyak ka. ‘Nang pumatak ang huling ulan sa aking mga kamay, naisip kong ito pala ang unang pagkakataon na ang luha mo ay akin nang matitikman.’

                Bumalik ako sa paaralang aking minahal, ayun at nakasabit pa rin ang banner kung saan nakasulat ang aking pangalan at ang salitang hustisya. Mag aanim na buwan na ngunit andoon pa rin ang pangalan ko kasi ang sabi mo, huwag iyon tatanggalin hangga’t wala pang nangyayari sa kaso. Tumayo ako sa ilalim ng banner at tinitigan ko ang aking sarili, ikaw pa rin ang naaalala ko.  Pag sulyap ko sa aking likuran, laking gulat ko dahil nandoon ka, tila nakatitig sa aking mga mata. Tumayo lamang ako doon habang nakatingin sa nangungusap mong mga labi. OO, alam ko hindi mo ako nakikita pero para sa akin, buo ang imahe mo sa puso ko.

                Sa huling pagkakataon na ika’y aking masisilayan, sisiguraduhin ko na hindi na tutulo ang aking luha. Magpapahinga na ako at babalik sa paraiso. Tangan ko pa rin ang kaligayahan dahil alam kong mananatili kang aktibo para sa akin. Matagal ko nang nakuha ang hustisya dahil iyon ay nakita ko simula nang nakilala kita.  At unti-unti ngang nagiging paraiso ang kapaligiran at tuluyan ka nang nawala.







                

Comments

Popular posts from this blog

CAROUSEL'S CAROL

  ALPHABET SERIES /part 3/   Joyful tears cascaded down my cheek,     as the striking piece of memory pops like a gee.     The calendar was still ringing with mental traces,     while the history of my timeline presents. In this 6-cycle carousel, where laughter are dancing with the wind, where colts are running with a hard tail  of course hair, where old folks are turning like 7-year old kids. "  I tell you the past is a bucket of ashes." Carl Sandburg declared. " The future is purchased by the present." Samuel Johnson said. " When all else is lost, the future still remains." Christian Nestell Bovee cited. But for me, all would have treasured in the end.     Singing the lullaby of the ended days,     Pursuing to locked in the invented brains.     It maybe a child's game,     but happiness are all the same. ...

When The World Says It's Over

    "Maybe I'm just too numb to realize that cats will never be with rats forever." WINTER OF 2000     You are my safe haven.     Once, I dreamt of a beautiful castle just like in fairy tales guarded by hundreds of sentinel and served by thous ands of  maids and butlers. But now, I'd just dream of a home. Being a solitary creature, I enjoy every moment with myself, pleasuring the time left in my fabricated hour glass and making my own time machine for rewinding auspicious moments...      Until you came...     Every time I see you outside my porch, half-smiling with the gentle blow of the wind on your face, I realized that I am no longer a loner. That morning, you came with your enchanting militaristic posture. And I know, as you also knew that, that was the reason why my heart started beating with the rhythm th at's e xactly your own.     You h ave  entered to my so-called solitary...

Sa Isang Iglap : Pag-amin (PART 1)

Hindi ko namalayan na iniisip na pala kita. Akala ko naaalala ko lang 'yung mga bagay na nangyari sakin sa isang buong araw. Akala ko normal lamang na maglaro ka sa imahinasyon ko dahil bahagi ka ng labing-dalawang oras ko sa kalsada.  Nagtataka lang ako. 'Nung una, isang tipikal na araw lamang ang pagpasok sa opisina. Isang tipikal na oras lamang ang paghikab sa jeep ng dalawang oras. Isang tipikal na minuto lamang ang pagtambay sa cafeteria nang nag-iisa. Pero ngayon parang ang mga bahaging iyon ay hindi na mauulit kasi dumating ka. Nagtataka lang ako. Sanay akong mag-isa. Lahat ata ng bagay ginagawa ko ng walang tulong. Kumakain sa labas ng mag-isa, nagkakape sa labas ng mag-isa, bumibili ng libro mag-isa, tumatambay sa Happy Lemon ng mag-isa. Pero ngayon tinatanong ko sa sarili ko kung pwede ba kitang yayain minsan? Tambay naman tayo.  Nagtataka lang ako. Bago ka dumating, isa akong pribadong tao, misteryoso sa paningin ng iba. Lahat sinasarili ko,...